Wala Nang Hustisya: Mga Buod ng Kabanata 9-12

Kabanata 9- Mga Bagay-bagay sa Paligid

Si Padre Damaso nga ang nakasalubong ni Ibarra sa karwahe; patungo si Padre Damaso sa bahay nila Kapitan Tiago. Natagpuan ni Padre Damaso sina Maria Clara at Tiya Isabel na handang umalis, kanyang tinanong ang pakay at nalaman na sila’y pupunta sa beateryo upang kunin ang mga gamit ni Maria Clara. Naiwang nagtataka  ang dalawang babae sa pabulong na pahayag ni Padre Damaso nang siya’y pumanik upang kausapin si Kapitan Tiago. Hindi nakapag-mano ng maayos si Kapitan Tiago dahil agad siyang pinapasok sa kanyang tanggapan upang makipag-usap ng sarilinan kay Padre Damaso na siyang kinabahala nito.

Sa kabilang dako, maagang tinapos ng Dominikanong Padre Sibyla ang misa at agad tumungo siya sa kumbento ng kaniyang orden na nasa bungad ng Puerta de Isabel II, o de Magallanes. Agad siyang pumanhik at pumasok sa isang silid kung saan nakahimlay ang matandang saserdote na buto’t balat na; maiintindihan na nasa dulo siya ng kanyang buhay. Biglang nanaghoy ang may sakit tungkol sa kawalan-ng-pag-asa ng kanyang sakit at ng bayang tinitirhan nila. Wala na siyang mapagpilian kung hindi mamatay na lang ng tuluyan; binilin niya rin kay Padre Sibyla na matuto sa kanyang halimbawa. Pagkatapos, bigla lamang nag-iba ang batang prayle at tila na wala ang kanyang galang habang kinukuwento niya sa matanda si Ibarra bilang mabuti at hindi mukhang hangal na binata. Mabilisang binahagi ni Padre Sibyla ang nangyaring sagutan ni Padre Damaso at Crisostomo Ibarra nung hapunan, pati ang mangyayaring kasalan ni Ibarra at Maria Clara. Kinabahala ng dalawang padre kung magiging kakampi ba nila si Ibarra o magiging kaaway nila ito. Anya ng matanda na mas pangangalagaan sila ng gobyerno kapag may mga nakitang nagrerebelde sa simbahan. Makakabuti rin daw ito dahil ginigising ng mga filibustero ang mga prayle mula sa mga pekeng puri na tinatanggap nila sa mga huwad. Ang totoong problema na katulad sa nangyari sa Europa, ayon sa may sakit, ay ang pagpapanukala nila ng matataas na buwis taon-taon. Kung iiwasan lamang nila iyon ay mananatili silang may hawak sa bansa. Pagkatapos ng ilang sandali, pinag-usapan ng dalawa ang naging alitan at pakikipag-alyansa ni Padre Damaso at ng tenyente. Pagkatapos pa ng ibang hindi makabuluhang pag-uusap, nagpaalam si Padre Sibyla. Sa kabilang banda, kahit hindi dumako ng Malacañang si Tenyente Guevarranakarating ang balita sa Kapitan Heneral sa pamamagitan ng isang ayudante na nakarinig sa kuwento ni Laruja,  tungkol sa naging sagutan ng tenyente at ni Padre Damaso sa pagtitipon. Bilang parusa, ililipat ulit ang padre sa isang mas mainam na bayan. Samantala, natapos ang usapan ni Padre Damaso at Kapitan Tiago tungkol sa isang babala para sa huli; kung nagkonsulta muna ang Kapitan sa ninong ni Maria Clara ay hindi mangyayari ang problemang ito. Nagtapos ang kabanata sa pag-aalala ni Kapitan Tiago at ang biglaang pagpasok nito sa oratoryo upang patayin ang mga kandila na kanilang sinindi para sa kaligtasan ng paglalakbay ni Crisostomo Ibarra, at umalis na ito.

Gabay na Tanong

Ano ang ipinakikita ng tagpo sa bahay ni Kapitan Tiago, sa kumbentong Dominiko, at sa Malacañang ukol sa kapangyarihan ng kaparian sa bansa?

Ipinakikita sa kabanata na ito na ang humahawak ng kapangyarihan ng bansa ay ang simbahan; makikita ito kung paano nakumbinse (madaling napabago ng isip) ni Padre Damaso ang Kapitan Tiago ukol sa kasalan ni Ibarra at Maria Clara. Sa ating nabasang usapan ng dalawang pare, malalaman natin na labis nilang pinag-iingatan ang kanilang reputasyon at relasyon sa mga tao pati sa gobyerno (tungkol nangyari kay Padre Damaso at ni Tenyente Guevarra) upang manatili ang paniniwala ng bayan sa simbahan at kung paano dapat nila tutugunin ang mga isyu na maaaring ikabagsak nila. Sa Malacañang naman, makikita natin kung paano hanggang parusa lang (muna) ang maibibigay ng gobyerno sa mga prayle; ito’y dahil sa posibilidad na magkakaroon ng tunggalian sa pagitan ng gobyerno at ng mga tao (ayon sa prayle ay mga huwad o mangmang) dahil kampi sila sa simbahang Katoliko.

Ang Aking Mga Palagay

Masyadong halata, hindi ba? Ito ang kalagayan ng Pilipinas noon at tila gumagawa lamang si Rizal ng ulat sa kanyang nobela, at upang hindi maging masyadong halata, kumuha lamang siya ng mga karakter (puwede ding totoo talaga sila) mula sa kanyang imahinasyon upang lumikha ng kuwento. Kitang-kita, halatang-halata, malinaw-at-hindi-madilim… gusto ni Rizal imulat ang mga Pilipino mula sa mga salang turo ng simbahan, kung paano sila ginagawang mga mangmang. Ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit na.pa.ka.ba.gal. ng pag-unlad ng Pilipinas noon– hindi nahahasa at nabibigyan pansin ang ating angking talento at kaalaman. Masyadong takot ang Kastila na maging alam tayo dahil MALAKI ang katiyakan na mag-aalsa tayo sa kanila.*

Kabanata 10- Bayan ng San Diego

Malapit sa pampang ng lawa, nasa gitna ng mga bukiran at palayan ang bayan ng San Diego kung kaya ang mga pangunahing produkto nito ay asukal, bigas, kape’t prutas, kung saan kadalasan ding binibenta nito ng mga Tsino sa mas murang halaga. Tuwing maaliwalas ang panahon, inaakyatan ng mga batang lalaki ang nilulumot na tore ng simbahan kung saan makikita nila ang isang maalindog na tanawin; ngunit mas kinagigiliwan nilang pagmasdan at tukuyin ang mga maliliit na bahay gamit ng mga iba’t ibang palatandaan tulad ng puno ng sampalok, puno ng niyog, o ng isang krus. Tanaw rin doon ang ilog. Datapwat sa bayang iyon, namumukod-tangi ang gubat na nasa gitna ng mga bukiran — sa puntong malaki ang paggalang nila dito.

Maraming alamat ang pumapalibot sa nasabing gubat, ngunit may isang kuwento na mas pinaniniwalaan ng karamihan dahil malapit ito sa realidad. Noong unang panahon, sasandakot pa lamang ang mga dukhang kubo at dinadaanan ng mga baboy-damo ang madamong daanan. Isang araw, dumating ang isang matandang Espanyol na marunong manalita ng katutubong wika sa bayan; kanyang binili ang gubat mula sa mga nagkukunwaring may-ari dahil wala na man talagang titulo ang lupa. Ilang araw lumipas, naglaho ang matanda at pinagtaka ito ng karamihan sa puntong pinaghinalaan na siya ay isang engkatado. Ngunit isang araw, natagpuan ng mga pastol ang nangangamoy na bangkay ng matanda–nakabitay siya sa puno ng balete. Doon mismo nilibing ng mga kababayan ang bangkay, at mula noon kinakatakutan ang punong iyon dahil laging may nagkakasakit o may nangyayaring masama kung sino ang lumapit man dito. Makaraan ng ilang buwan, dumating ang anak ng yumaong matanda na nagngangalang Don Saturnino. Kilala siya sa kanyang mapusok, minsa’y malupit na ugali ngunit lalo na sa natatangi niyang kasipagan sa agrikultura. Makalipas, nag-asawa siya ng isang dilag na taga-Maynila at nagsilang kay Don Rafael Ibarra. Kinalakihan ni Don Rafael Ibarra ang bukirin, napamahal ang mga tao sa kanya dahil sa angking dedikasyon sa pagtatanim na namana niya sa kanyang ama na umakit ng mga dayo lalo na ng mga Tsino. Bago maging bayan ang bayan-bayanang ito, pinamahalaan ito ng isang katutubong kura, at nang matatag na ang bayan, ang bayan ng San Diego, namatay ang kura at namahala si Padre Damaso. Hanggang ngayon sa kanilang bayan, may dalang pangingilabot ang punong iyon.

Mga Gabay na Tanong

Ano ang hitsura ng San Diego?

Malapit sa pampang ng lawa ang San Diego, sa gitna ng mga bukirin at palayan, may magandang ilog, at napapangilabot na gubat. Meron itong simbahan na may napakataas na tore kung saan makikita ang mga bahay at mga kubo ng mga tao na may mga iba’t ibang klase ng puno, bakod, krus, at iba pa.

Ilang porsiyentong Espanyol si Crisostomo?

Ang matatandang Espanyol sa “alamat” ay 100% Espanyol; si Don Saturnino, anak ng matanda, ay 50% (ayon sa libro ay mukhang mestisong Espanyol, maaari nating sabihin na may halo na ito). Habang si Don Rafael Ibarra, anak rin ng Pilipina ay 25%, kung kaya si Crisostomo Ibarra ay 12.5% na may dugong Kastila.

Paano nagkakaugnay ang kasaysayan ng bayan ng San Diego at kasaysayan ng pamilya Ibarra? Ano ang lugar ng pamilya Ibarra sa (kasaysayan at heograpiya ng) San Diego?

Mula sa alamat, nanggaling ang pamilyang Ibarra sa isang matandang Espanyol na dumayo sa San Diego noon. Nang siya’y yumao, dumating ang kanyang anak na si Don Saturnino, ang naging ama ni Don Rafael, na buong sikap at marahil na rin sa pagmamahal sa agrikultura, nagtanim ng tayum sa mga bukiran. Hindi lang ito nagpasigla ng mga tao na magtanim, pati na rin ang kanyang anak ay lumaking inspirado sa pagtatanim at pagpapa-unlad pa ng agrikultura ng bayan. Sa patuloy na pagsisikap, umusbong ang nayon at naging bayan ito; umakit rin ng mga dayo at naging kilala sa mga produktong niluluwas nito. Ito ang naging kabihasnan ng San Diego at ni Crisostomo Ibarra.

Ang Aking Mga Palagay

Napakamalikhain ang imahinasyon ni Rizal at nagustuhan ko ang pagkakone-konekta ng mga detalye sa kabanatang ito. Mula sa lugar, sa alamat, sa tatay ni Don Rafael Ibarra, at kung paano naging San Diego ang San Diego. Para sa akin, binabahagi rin ni Rizal ang kalakasan natin sa agrikultura at ipinahihiwatig din niya, tila inuunlakan niya, na dapat magtanim pa ang mga Pilipino dahil mataas ang potensyal natin sa sektor na ito.

Kabanata 11- Mga Hari-Harian

Tinalakay sa kabanatang ito ang totoong naghahari o naghahari-harian sa mga tao. Kahit ang mga sumusunod na pangalan ay kilala, may malakas na impluwensya, may mataas na katungkulan at mayaman sa mga kanilang bayan. Si Don Rafael ay malapit nga sa mga tao ngunit wala ni isang  kumampi sa kanya nang siya’y patawan ng mali (na hindi naman niya ginawa). Habang  pinupuri at binubuhusan ng mga biyaya’t serbisyo lamang si Kapitan Tiago ng mga taong may utang sa kanya ngunit sa likod, pangutya nilang tinatawag siyang “Sakristang Tiago.” Lalo na hindi ang gobernadorsilyo ang may hawak sa kapangyarihan dahil kadalasan wala siyang ginagawa, pinapagawa, at tila bulag na tagasunod sa mga nasa taas. Binabayaran lamang niya ang Alkalde Mayor ng 5,000 piso para maupo sa posisyon. Ang Diyos ba? Hindi rin ito malinaw dahil bihira lang pinapansin ng mga tao ang Panginoon dahil lagi silang nakatuon, lagi silang humihingi ng tulong sa mga santo at santa, sa mga alagad ng Panginoon.

Ang mga totoong hari-harian ay ang kura (para sa Papa sa Vaticano) at ang alferez ng Guwardiya Sibil (para sa Hari ng Italya sa Quirinal), sa kanilang mga ugali at paniniwala pa lang ay ibang-iba na sila sa isa’t isa. Si Fray Bernando Salvi ang Pransikanong kura na binanggit sa Kabanata 5, tahimik at mukhang sakitin, ay sadyang mas mabait kaysa sa kanyang hinalinhinan na si Padre Damaso. Paniniwala ni Padre Damaso na ang sagot sa pagdidisiplina at ang paraan ng pakikipag-usap sa mga Indio ay sa pamamagitan ng suntok at hataw ng baston. Dahil mahina ang dugo ni Padre Salvi, bihira siyang mamalo kung kaya dinadaan niya lamang ang mga pangungutya’t tungayaw ng mga tao sa dasaling Ama Namin o hindi kaya’y sa isang sermon na maisasapabuti ng lahat. Halos kabaliktaran ni Padre Salvi ang alferez ng Guwardiya Sibil. Isang lasinggero, mapangahas, mapang-abusong pinuno sa kanyang tauhan at asawa ng alferez na si Donya Consolacion na isang Pilipina. Ang mag-asawa ay laging nagbabalat-kayong nagkakamabutihan sa publiko, habang kadalasang binubugbog ng alferez si Donya Consolacion. Tuwing nakahimlay sa alak ang asawa o natutulog sa siyesta lalabas si Donya Consolacion at ipapakita ang sarili na nakasuot ng mga pranelang asul at naka-kolorete ang mukha sa bintana upang pagka-inisan ang kabataan. (Marahil ito ang paraan niya ng paglalabas ng galit.) Natatangi si Donya Consolacion sa kanyang katangian na waring kailanman hindi siya humaharap sa salamin.

Gabay na Tanong

Ano ang katangian ng mga pinakamakapangyarihan sa San Diego at ano-ano ang ginagawa nila upang madaig ang isa’t isa?

Maliban sa pagiging mayaman, may mataas na katungkulan, at malakas na impluwensiya, dapat mahigpit ang may kapangyarihan. Dahil malakas na ang impluwensya ng simbahan, kadalasan sinisiraan ng alferez ang mga pari sa pamamagitan ng pagpapasara ng mga pinto ng maaga upang hindi makapamasyal ang mga prayle.  Sinisiraan niya rin and mga ito gamit ang mga kuwentong kung paano magbigay ng tsokolate ang mga prayle sa bisita at ang mga nakaakibat na kontrobersiya dito. Dinadaan naman ni Padre Sibyla sa pasensya at dalangin ang mga pangungutya ng ibang tao upang mapanatili ang kanyang magandang imahe.

Ang Aking Mga Palagay

Dividios e imperad. Divide and conquer. Upang mahirapan magka-isa ang isang nasyon laban sa kanilang kolonyalista kailangan paghiwalayin ang mga tao base sa kanilang mga paniniwala. Sa gobyerno o sa simbahan? Mahihirapan agad ang mga taong mag-alsa kung ganito ang sistema ng pamamahalaan dahil mga pinuno pa lamang ay magkakaiba na at magkatunggali pa. Isang katotohanan, pinasang sakit, na inulat ni Rizal.

Kabanata 12-Todos Los Santos

Naiiba ang mga tao sa mga hayop dahil binibigyan ng mga tao ng pagsamba at respeto ang mga pumanaw. Nakakapagtaka dahil kadalasan lumilitaw na labis na malalim ang ugat ng kaugaliang ito sa mga nasyong hindi gaanong sibilisado. Dati sa Pilipinas, ang buhay ang nagibibigay puri sa patay ngunit ngayon, kailangan pa ibilin ng mamatay ang kanyang buhay sa buhay. May iba’t ibang uri ng pagbibigay parangal sa patay ang iba’t ibang kultura ngunit, iba ang kaso sa San Diego dahil sila’y naniniwala na walang nagpapahinga ng mapayapa sa kabilang buhay o sa Purgatoryo.

Isang malawak na lupain na pinalilibutan ng mga lamat na pader ang libingan ng San Diego. Nakakalat ang mga bungo’t bulaklak sa sementeryo; lupa nito’y napakaalikabok kapag mainit at puwedeng mamangka kapag tag-ulan at kadalasan, iniihian ito ng mga hayop. Nasira na ang INRI sa nakatagilid na krus ng sementeryong hindi inaalagan. Isang gabi, may dalawang lalaking pumunta sa isang puntod na malapit sa bakod na bato upang hukayin ang bangkay na nakahimlay dito. Sanay ang sepulturero sa kanyang gawain habang ang isa ay nag-aalala lalo na’t nasira niya ang hilaw na bungo kaya gusto na nitong umalis. Ayon sa sepulturero, aakalain niya na isang Espanyol ang kasama dahil may nakausap siyang tao na nagtanong ng palihim tungkol rin sa bangkay. Pareho ang kanyang sagot sa kasama at sa Espanyol na inutusan lamang siya ng isang malaking kura na pinahuhukay ang labi upang ilimbing ito sa sementeryo ng Intsik, ngunit dahil mabigat raw ito… (hindi pinatuloy ng kasama at umalis sa takot).

Pagkalipas, nagsidatingan na ang mga nagluluksa, mga naggugunita sa libingan. May isang kapansin-pansing matandang lalaki sa lugar na iyon marahil wala siyang suot na sumbrero at agad naghanap ng bungo. Nang wala roon ang hinahanap niya, tinanong niya ang sepulturero at nag-alok pa siya ng pilak upang mahanap lang ang bungo. Ngunit, hindi ito alam ng sepulturero kung kaya kinagalit ito ng matanda. Nagtapos ang kabanata sa pagka-inis ng matanda. Natapos ng sepulturero ang trabaho, at habang nasa malayo ang isip ng sepulturero ngumunguya siya ng buyo.

Gabay na Tanong

Paano nakikitungo sa patay ang iba’t ibang kultura, at paano naiiba rito ang nakita natin sa libingan ng San Diego?

Malaki ang respeto at ang pagpaparangal ng mga iba’t ibang kultura sa kanilang mga yumao.  Tinatago sa isang kahon ang mga buto ng yumao sa New Guniea, sa mga malalaking bahagi naman ng Asya, Afrika, at Amerika ay inaalay naman ng pinakamasasarap na lutuin o hinahain ang paborito ng namatay noong nabubuhay pa. Sa Ehipto, nagpapatayo pa ito ng palasyo habang mga simbahan naman ang iniaalay ng mga Muslim sa yumao. Ngunit,  binibigay ng mga taga-Damohey sa puntod ng namatay ang mga bungo’t balat ng mga kaaway nito. Habang sa San Diego, walang respeto o pakialam ang mga nangangasiwa dito; kita sa pangangalaga ng lugar, mga nakakalat na bungo at bulaklak, lalo na ang pagkawalang-galang sa paghahawak sa mga labi ng mga tao.

Ang Aking Mga Palagay

Respeto naman po, puwede? Tama nga naman ang sinabi ng matanda sa sepulturero: “Katulad ka ng puntod na hinuhukay mo! Katulad ng puntod, katulod ng puntod!” Ang tao ay tao. Mayaman man o mahirap, naging mataas ang katungkulan o hindi, lahat ng tao’y dapat bigyan ng galang. Kung sino man ang hindi, nawawalan rin siya nito.

Mga Pagkalahatang Palagay

Pinapakita ni Rizal ang kurap na kalikasan ng mga tao na kung minsan nakakalimutan nilang mamuhay tulad ng isang tao upang mabuhay lamang.

Layunin ba ni Rizal na patalsikin ang mga Kastila sa Pilipinas? *Ating balikan ang paniniwala ni Rizal noon. Siya ay isang illustrado, hindi tulad ni Andres Bonifacio na gustong palayasin ang mga Kastila sa bansa, gusto ni Rizal na tratuhin ng Espanya ang Pilipinas bilang bahagi ng kanilang bansa. Gusto niya na bigyan lamang tayo ng pantay na pagtingin bilang estado ng Espanya.

Sa tingin mo, sakaling kinonsidera ito ng mga Espanyol, magiging payapa ba ang Pilipinas? Magiginhawaan ka ba sa kalagayang ito? O mas gusto mo kung ano na ang nangyari, lumisan sila at tayo’y malaya na?

 

 

Leave a comment