Umaaligid na Pagpapahirap: Mga Buod ng Kabanata 17-20

Kabanata 17- Basilio

Dumating si Basilio sa kanilang bahay, nabigla si Sisa sa itsura ng kanyang anak at nanginig sa takot nang hindi niya makita si Crispin. Agad kinuwento ni Basilio na naiwan si Crispin sa kumbento at kung paano siya tumakas mula sa sakristan mayor at mga sundalo dahilan ng kanyang dumudugong ulo sa daplis ng bala. Dahilan ni Basilio na ayaw niya matulad kay Pablo na pinaglinis ng kuwartel at inabuso. Sa una nanlamig si Sisa, ngunit bumigay na lamang ito at hinalikan ang dumudugong ulo ni Basilio, nagpasalamat ito sa Diyos; kitang-kita ang kanyang takot at pag-aalala. Ilang sandali ay tinanong ng ina ang tungkol kay Crispin, tiningnan lamang ni Basilio ang ina ng mabilis at agad itong yinakap at sabay kinuwento ang nangyari sa mga onsa. Salang ang kanyang kuwento sapagkat tinanggal niya ang mga detalye tulad ng mga pagpapahirap na dinanas ng bunso. Nag-iyakan ang dalawa at maya-maya, marahil wala na silang lakas, huminto ito. Ayaw ni Basilio kumain at pinili nitong uminom lamang. Kinuwento ng kanyang ina ang pagdating ng ama at kitang-kita sa tugon at ikinilos ni Basilio na may malalim na pagkamuhi siya sa kanyang ama na nagdala ng kalungkutan sa puso ni Sisa. Sinubukan ni Sisa na pabanguhan ang pangalan ng ama kay Basilio, ngunit para sa anak, mas mabuti kung silang tatlo lamang ang magkakasama. Bumuntong hininga na lamang ang ina at pinatulog ang kawawang anak, nagdasal muna ang dalawa bago matulog.

Sa kanyang panaginip, nanginginig sa takot si Crispin, lihis ng lihis at iniiwasan ang pamalong yantok ng sakristan mayor. Nasa presensya nila ang kura na nakikinig sa sakristan mayor. Iwas ng iwas, binalingan ng kura at hinampas sa mahinang bata. Tumabok si Crispin sa kura upang magtago ngunit hinablot lamang ito, pinigilan at ihinarap sa kumukulong kura. Malubha ang pangitain ni Basilio sa humaginit na yantok na nagdala sa pagka-untog ng ulo ng kanyang kapatid sa sahig. Bigla lamang ito  bumangon at kinagat ang kamay ng kura. Nag-init ang pari, kumuha ng baston ang sakristan at hinampas ito sa ulo ni Crispin. Nahimlay, wala nang malay. Nagising si Basilio sa sigaw ng kanyang ina. Pawis na pawis, agad tinanong siya ng kanyang ina ukol sa kanyang napanaginipan. Isang malabo tungkol sa babae at lalaki, napakalayo sa totoo niyang nakita, ang pangitain na ikinuwento niya sa kanyang ina. Pilit na nilayo ni Basilio ang paksa at binahagi niya sa kanyang ina ang kanyang balak na tumigil sa pagsasakristan. Lubos na may pagpapakumbaba na nakinig si Sisa. Binanggit din ni Basilio ang balak niyang magtrabaho para kay Crisostomo Ibarra nang sa gayon, pati ang kanyang kapatid ay makakapag-aral din sa ilalim ni Tandang Tasio. Nagbigay rin siya ng mga sitwasyon, mga dahilan kung bakit sila labis na makikinabang sa buhay na pinapangarap niya. Walang masabi si Sisa kundi oo sa lahat ng mga sinasabi ni Basilio nang makita niyang seryoso ang kanyang anak, ngunit naluha ito dahil hindi lamang binanggit ni Basilio ang ama sa kanyang mga pangarap. Dinalaw muli ng antok si Basilio, natulog at ngayon isang magandang pangitain ang pumuspos sa kanya. Siya at si Crispin bilang mga pastol. Subalit, nanatiling gising ang ina.

Gabay na Tanong

Ano-ano ang laman ng mga panaginip ni Basilio at ano-ano ang sinasabi ng mga ito ukol sa kaniyang buhay?

Sa unang panaginip, isang bangungot, nakita ni Basilio ang “maaaring” paghihirap (maaari ring mas malubha) na sinapit ni Crispin nang naiwan ito sa kamay ng sakristan mayor. Malinaw na ang kanyang paniginip at ang mga detalye nito ay nanggaling sa mga pahihirap na naranasan nilang dalawang magkapatid. Ngunit ngayon mas malala, ikinamatay na nito ni Crispin. Sa pangalawang panaginip, makikita natin na matagal na pinapangarap ni Basilio ang maging pastol at alagad ni Ibarra. Sa haba pa naman ng kanyang paliwanag, malinaw na mahabang panahon niya itong pinag-isipan; siguro rin, kasama niya ang kanyang kapatid sa pagplano nito. Makikita natin na hindi bahagi ang kanyang ama sa kanyang pangarap, hudyat na isa lamang anino ang ama sa kanyang paningin. Ang kanyang mga panaginip ay buhat sa mga  kalupitan na nangyari (pati, sa tingin niya na nangyari) sa kanya, sa paligid, at ang mga adhikain niya para sa ikakaganda ng kinabukasan ng kanyang pamilya– silang magkapatid at ang dukha niyang ina.

Ang Aking Mga Palagay

Nakakakilabot ang napanaginipan ni Basilio. Tumagos, ramdam ko ang hilaw na sugat, ang hapdi’t kirot nito– hindi lamang dahil sa humaginit na baston ngunit sa sakit ng katotohanan na namatay na ulila si Crispin. Kung ako si Basilio, maiisip ko na tama nga si Crispin; na sana sumunod ako sa plano niya na umuwing may sakit, sakit na pang-habang buhay. Isang malamig na sahig ang kanyang huling tulugan… dapat kapiling niya ang ina, payapa’t mainit kahit sa huling sandali man lang. Kung ako si Basilio, mapupuno ako ng pagsisisi. Pagsisisi, na sana tumakas na kami habang maaga pa, pumunta na kay Ibarra at tuparin ang lahat ng pinag-usapan… unting tapang lang sana noon subalit, huli na ang lahat.

~.~

Kabanata 18- Mga Kaluluwang Naghihirap

Ikapito na ng umaga nang matapos ni Padre Salvi sa kanyang huling misa. Maraming taong nabahala sa kanyang hindi pangkaraniwang kilos; ito ay matamlay, wala ang nakasanayang gilas, tila may sakit. Iniwan niya ang sakristya at umakyat sa silong ng paaralan sa kumbento, doon ay may mga naghihintay na nakaupong pito o walong babae at isang lalaki. Sa pagdating ng fraile, nagsitayuan ang lahat ngunit nang makita nila itong may problema nanguna si Hermana Rufa at nangutya sa mahinang pare. Doon nagsimula ang usapan nila tungkol sa pagdadasal, pagkokomunyon at pagkamit ng indulhensiya. Kinuwento ng mga hermana, lalo na sina Hermana Rufa, Hermana Sipa, at Hermano Pedro ang kanilang mga paraan kung paano makaipon ng indulhensiya plenaryo upang mabawasan ang mga kaparusahan na matatanggap nila para sa kanilang mga kasalanan. Tila nagtagisan sila sa mga kani-kanilang paraan. Inamin naman ni Hermana Juana, ang nakababata, na hindi nauunawaan ang mga bagay patungkol sa Langit, Purgatoryo, at Impiyerno. Agad naman ipinaliwanag ng nagtutunggaling Hermana Rufa at Hermana Sipa ang tamang dasalin. Nang hindi magkasundo ang dalawa tungkol sa mga dasalin, pumagitna si Hermano Pedro upang ibalik ang kapayapaan ng talakayan. Kitang-kita ang galing ng hermano tungkol sa paksang Hermano Terceros. Ilang sandali at napunta ang usapan tungkol sa kung sino dapat ang magsasagawa ng sermon, si Padre Damaso ba, Padre Martin o ang koadyutor.

Sa kanilang usapan, hindi nila namalayan na dumating si Sisa. Kinakabahan itong pumanhik, nilibot ang mga dako sa pag-asa na makikita niya ang anak. Lubos na pinaghandaan ni Sisa ang sarili at ang iaalay niya para sa Padre. Maaga itong pumitas ng kanyang mga pananim na talong, ampalaya, patola, sarsalida, at sariwang talbos ng pako, pinalamutian pa niya ito ng mga bulaklak. Malamig ang pagtanggap sa kanya ng mga sakristan at mga trabahador sa kusina. Tinanong ni Sisa kung saan ang kura at magaspang na sinagot ng kusinero na may sakit ang fraile. Muling nagtanong si Sisa, ngayon tungkol naman kay Crispin. Inis na inis na sinagot ng kusinero na kukunwari si Sisa na hindi niya alam na nasa bahay na niya ang kanyang mga anak. Pinaliwanag ni Sisa na wala pa rin si Crispin sa bahay. Pagkatapos, kinuwento ng kusinero na naiwan nga si Crispin ngunit kumuha ng mga maraming bagay at tumakas kung kaya hinabol ito ng mga Guwardiya Sibil. Agad tinakip ni Sisa ang kanyang mga tainga, at pahabol na sinabi ng kusinero na lalaki na ang kanyang mga anak ay tulad rin ng kanilang ama. Pinaalis si Sisa. Tumungo ito sa lansangan, umiiyak.

Mga Gabay na Tanong

Ano-anong paghihirap ang makikita natin sa mga kaluluwa sa kabanatang ito at ano-ano ang ginagawa nila ukol dito?

Makikita natin na pinapahirapan ng mga hermana’t hermano ang kanilang mga sarili dahil masyado silang nakatuon sa pag-iipon ng mga indulhensiya upang mabawasan ang kanilang mga parusang mararanasan sa kabilang buhay. Ang isang kaluluwang naghihirap ay ang kay Sisa dahil matagal niya nang kinikimkim ang mga nararamdaman niya at ginagawa niya ang makakaya upang mabalik sa kanya ng mapaya ang anak, mabalik ang lahat sa kaayusan.

 

Sino-sino ang mga kaluluwang naghihirap sa kabanata? Patunayan ang inyong sagot.

Ang mga kaluluwang naghihirap sa kabanatang ito ay tumutukoy sa mga kaluluwa ng mga hermana at hermano dahil masyado nilang pinahihirapan ang mga indulhensiya na tutulong sa kanila maligtas at magligtas ng iba, ngunit sa ganoong paraan mismo, pinaparusahan na nila ang kanilang mga sarili sapagkat wala naman itong silbi. Ang totoong naghihirap ay si Sisa dahil may napakahabang panahon na siyang nagtitiis sa buhay at ang nagpapatakbo lamang sa kanya ay ang kanyang mga anak subalit ngayon, nawawala ang kanyang Crispin.

Ang Aking Mga Palagay

Ang relihiyon ay hindi isang bangko– hindi ka mag-iipon ng mga mabuting gawain, magtutubos ng kapatawaran, mangungutang muli ng kapiranggot na kasalanan. Sa ginagawa ng hermana’t hermano tila sila mismo ang nagpaparusa sa kanilang mga sarili; ito ay isang hudyat na sila’y maledukado sapagkat hindi nila labis nauunawaan ang sakripisyo ng Panginoon para sa kanila at ang regalo Niyang walang hanggang buhay.

Natandaan ko kay Sisa ang kasabihang Mas malalang magalit ang taong tahimik. Sa kaso ni Sisa, labis na lamang guguho ang kanyang mundo sa nalaman niyang balita. Ang mga anak na lang ang kanyang pinanghahawakan… sino bang hindi masisiraan kapag ang nag-iisang pag-asa mo ay hinablot mula sa iyo?

~.~

Kabanata 19- Mga Kapalaran ng Isang Guro

Tinuro ng isang guro kay Crisostomo Ibarra ang lugar kung saan inihulog ang bangkay ng kanyang ama, ang lugar kung saan dinala ang guro at Tenyente Guevarra. Buong pusong nagpasalamat si Ibarra dito, at agad namang pinaliwanag ng guro na hindi dapat dahil malaki ang utang na loob niya sa ama ni Ibarra. Kinuwento ng guro kung paano siya kinupkop at tinulungan ni Don Rafael Ibarra, pati na rin ang madalas na pagdalaw nito sa paaralan upang bigyan ng pera ang mga masisikap na mag-aaral. Kinamusta ni Ibarra ang paaralan at kung ano ang kasalukyang kalagayan nito habang malungkot na sinagot ng guro na nahihirapan sila sa pagsasaayos dito. Tugon naman ni Ibarra na huwag silang magalala dahil balak niyang tapusin ang sinumalan ng ama sa pamamagitan ng pagtulong sa pag-unlad ng paaralan. Anya niya na mas mainam ito kaysa manatiling nagtatangis at ipaghiganti ang ama. Nais ni Ibarra na malaman ang mga balakid na dapat niyang harapin kapag sinumulan niya ang kanyang proyekto. Pinaliwanag ng guro kung bakit napakahirap ang kanilang papasukin dahil una, ang mga guro ay walang sapat na kapangyarihan at kayamanan upang magbigay sigla sa mga tao at bata. Mas mainam para sa kanila ang magsaka kaysa sa mag-aral. Pangalawa, nasa silong lamang ng kumbento ang kanilang silid kung saan rinig na rinig ang mga sigaw ng mga bata tuwing ito ay nagbabasa kung kaya laging napapagalitan ang guro. Wala itong magawa kung hindi sumunod lamang. Nilahad din niya ang pagbabagong ginawa niya sa sistema ng pagtuturo na sa halip na kakabisaduhin lamang ng mga mag-aaral ang libro at salita, tinuturuan din niya ang mga ito na umintindi ng wikang Espanyol.

Dahil sa pagbabagong ito, pinatawag siya ni Padre Damaso upang kutyatin tungkol sa pagtuturo at nawalan sila ng paaralan. Nais sana ng guro sumagot ngunit hindi siya nabigyan ng pagkakataon at hindi naman ito maaari dahil mas maraming tao ang magagalit sa kanya. Sumagot si Ibarra at ayon sa kanya, hindi ito sapat na dahilan sa pagsuko. Dinagdag ng guro ang kanyang mga kuwento. Batid niya ang hindi wastong pagdidisiplina sa mga bata sa paraan ng pamamalo nito tuwing may mali sila kung kaya sinumulan ng guro na itago ang mga pamalo, lagi niyang itinatatak sa isip ng mga bata na hindi dahilan ang kakulangan nila sa kakayahan kundi sa kasipagan. Sumibol ang bagong sigla sa mga bata para mag-aral at dahil dito nakarating agad kay Padre Damaso ang balita na hindi siya namamalo at pinagalitan ito. Madalas na pinagsasabihan ang guro ng mga magulang na gumamit ng pamalo; sa tagal, at marahil napuno na ito, kinailangan niya ulit gamitin ang uri ng pagdidisiplina na ito. Siya ay nagkasakit, nabawasan ang kanyang mga estudyante. Tila wala nang pag-asa ang kanyang pagtuturo ngunit, binigyan niya ng dedikasyon ang pagsasalin sa ilang mga libro sa Tagalog upang maintindihan ng mga bata, at binigyan ng mapa ng kanilang bayan. Ngunit pinuna naman siya ulit, ngayon si Padre Astete, na dapat unahin ng guro ang pagtuturo tungkol sa rehiyon bago ang iba at isaulo ang mga binigay na akda sapagkat bibigyan sila ng pagsusulit. Pagod na ang guro dahil hindi niya nakikita ang pagbabagong gusto niyang makamtam. Marahan na sinabihan ni Ibarra ang guro na huwag mag-alala dahil pupunta sila sa isang pulong sa tribunal at dagdag pa niya, maaari nilang makita ang mga sagot doon. Hindi masyadong naniwala ang guro ngunit pumayag na lamang ito at tumayo.

Mga Gabay na Tanong

Ihambing ang mga ikinuwento ng maestro sa kasalukuyang kalagayan ng edukasyon sa bansa sa mga aspeto ng lugar, kagamitan, dangal ng guro, wikang ginagamit, pagpaparusa, pananaw ng madla, at paghubog sa kritikal na pag-iisip ng mga mag-aaral.

Iba na ang sistema noon sa ngayon bagaman may mga paraan pa rin mula sa nakalipas na ginagamit hanggang ngayon. Hindi tulad ng dati na nasa sulok-sulok ang mga silid, may sariling gusali na ang ibang mga paaralan ngayon. Subalit nakakalungkot pa ring isipin na sa mga liblib na dako ng Pilipinas may mga bata pa ring walang mga paaralan. Mga batang kailangang maglakad ng malayo, tumawid ng mga ilog bago makarating sa kanilang mga eskwela.

Dati libro lang ang ginagamit sa pag-aaral ngunit iba na sa kasalukuyan, nadagdagan na ito ng iba pang uri ng medya. Marami nang mapagkukuhanan ng impormasyon tulad ng  telebisyon at internet. Kung dati kinailangang makinig ng mga guro sa mga kura, ngayon mas may boses ang guro, may kapangyarihan sa paghawak ng mga mag-aaral. Kasalukuyang ginagamit ang wikang Ingles bilang pangunahing wika sa pag-aaral ngunit nag-aaral din ang mga estudyante ng iba’t ibang wika tulad ng Filipino, Espanyol, at Mandarin. Subalit nakakalungkot pa ring isipin na hindi pa rin ito ang regular o kalakaran sa buong bansa. May mga lugar pa rin na hindi ganito ang paraan ng pagtuturo. Nakakalungkot pero kailangan mong magbayad ng mahal at magpunta pa sa kabihasnan o “city” para magkaroon ng ganitong klase ng edukasyon. Hindi pa rin patas ang edukasyon sa Pilipinas.

Sa panahon ngayon mas gumagamit na ng reprimand o dili kaya ay community service, at mga karagdagang gawain. Pero hindi lingid sa kaalaman natin na may mga pang-aabuso pa ring nangyayari sa ibang paaralan. Parang hindi pa rin ito tuluyang nabura sa gawi ng ilang mga Pilipino.

Dati ang pananaw ng madla ay iisa at, sa aking palagay, hindi ito maganda dahil hindi sila handa magpapasok ng mga ibang pananaw. Ngayon, sa dami rin na pumapasok na kaisipan, nakadepende sa tao kung gagamitin ba nila ang mga naririnig at nakikita upang hasain o baliin ang kanilang mga kaisipan at prinsipyo. May iba’t iba nang paraan ng paghubog sa mga kaisipan ng bata, nakadepende kasi ito sa mga bagay na pinapasukan niya dahil sobrang bukas na ang mundo ngayon. Hindi tulad ng dati na malimit na salang ang mga tinuturo, ngayon may direktang koneksyon ang mga bata sa mga bagay na gusto nilang matutunan.

Hindi pa rin nawawala ang pangangailangang isaulo ang mga aralin dahil minsan, kapag hindi maunawaan ang isang paksa at isusulit na ito sa maikling panahon, pilit na kinakabisa ng mag-aaral ito.

Anong mga sistema o paraan ng pag-iisip ang humahadlang sa pag-unlad ng edukasyon sa bansa?

Sa kasalukyan, ang mga humahadlang sa pag-unlad nito ay kakulangan sa mga guro, pasilidad para makapag-aral ang mga batang kapos. Napaka-outdated  ang ating sistema ngayon sa edukasyon at nahihirapan ang Pilipinas na makisabay sa ibang bansa. Hindi napagtutuunan ng pansin ang pagpapa-unlad sa edukasyon ngayon.

Alin sa mga problemang ikinuwento ng maestro ang nananatili sa kasalukuyang sistema ng edukasyon sa bansa? 

Lahat ng ikinuwento ng maestro ay nananatiling problema sa kasalukuyan. Hindi man ito kasing laganap tulad ng dati pero ang mga problemang ito ay nararanasan pa rin dito sa Pilipinas. Matapos ang mahabang panahon tila hindi pa rin lubusang natanggal ang mga gawing nakuha natin sa mga kastila.

Ang Aking Mga Palagay

Labis akong nagpapasalamat sa Diyos na pinanganak ako sa henerasyong ito habang binabasa ko ang kabanatang ito dahil una sa lahat, ayaw ko ang magsa-ulo dahil agad nitong binabawasan ang kagustuhan kong mag-aral pa tungkol sa paksa. Pangalawa, malakas ang tumutunggali sa mga tao na ang paraan ng pagdidisiplina ay sa pamamagitan ng karahasan- salita man o pisikal. Labis akong pinagpala.

Napagtanto ko rin na hindi pa matatag ang edukasyon ng Pilipinas. Kung totoo ngang mahalaga ang edukasyon sa pag-unlad ng bansa bakit hindi ito pinagtutuunan ng oras o tamang pansin?

Kabanata 20- Ang Pulong sa Tribunal

 

Nagdaos ng pagpupulong ang mga pinuno ng bayan at ng mga nayon sa tribunal upang pag-usapan ang magaganap na pista sa susunod na labing-isang araw. Hindi nagkakasundo ang dalawang pangkat: una, ang konserbatibo na karaniwang binubuo ng matatanda; pangalawa, ang liberal na binubuo ng kabataan. Bago magsimula ang usapan, binahagi ni Don Filipo sa kabataan ang lihim na sinabi ni Tandang Tasio at kanyang plano na kunwaring pagkampi sa matatanda. Anya ang habol lamang ng matatanda ay hindi sumang-ayon sa kanya hindi dahil ayaw nila ang plano kundi kinasusuklaman nila si Don Filipo. Hindi ito maunawaan ng mga binata. Ilang sandali lamang at dumating sina Crisostomo Ibarra at ang guro sa pulong iyon bilang mga bisita, at ang gobernadorsilyo  upang kausapin ang may sakit na kura. Hirap ang gobernadorsilyo na magsalita habang binubuksan niya ang usapan nang biglang tumayo agad si Kapitan Basilio upang sabihin na kinailangan magpanukala ang bawat senado ng kanilang mga plano para sa pista. Nagsalita siya para lang maipakita ang kanyang husay sa pagdadala ng isang talumpati. Unang nagsalita si Don Filipo at binahagi niya ang kanyang maluhong plano at gastusin para sa pista na mas lalong kinamuhian ng matatanda pati na rin ng kabataan.

Sa wakas, dahil sa hindi katanggap-tanggap na panukala ni Don Filipo, nagka-isa ang dalawang magkatunggaling panig at napagpasiyahan na magkaroon ng simple at matipid na dulaan kung saan pareho itong sumasalamin sa mga tao at nakakatawa. Dagdag pa nila na bibigyan nila ng mga gantimpala ang mga taong naging mahusay sa kani-kanilang trabaho; magdaos ng mga palaro, at magrenta ng banda. Napagpasiyahan din nila na magtayo ng paaralan gamit ang lalabis na salapi na siyang kinatuwa ng kabataan. Ngunit sa gitna ng kanilang usapan, pumasok ang gobernadorsilyo upang sabihin na iba ang gagawin nila para sa pista. Anya na dapat sundin ang kagustuhan ng kura ng pagdaos ng anim na prusisyon, tatlong sermon, tatlong grandeng misa, at sa natitirang pera, komedyang Tondo at awitan. Nagalit ang dalawang panig ngunit wala na silang magagawa kundi sumunod. Sa gitna ng kaguluhan, naisip ni Don Filipo na bale-wala ang kanyang ginawa, pinuntahan siya ni Ibarra upang sabihan ito na kailangan nilang tumungo sa kabesera ng probinsya agad. Sa kalye, pamurang pinahayag ni Don Tasio ang kanyang pagsisisi sa pagpayag niyang paupuin ang isang alipin ng katungkulan.

Gabay na Tanong

Ano ang sinasabi ng plano ni Don Filipo, talumpati ni Kapitan Basilio, panukala ng batang kabesa, at ng pagbabalita ng gobernadorsilyo ukol sa komunikasyon?

Sinabi lamang ni Don Filipo ang kailangan niyang sabihin (kahit ito ay kabaliwan) upang maging payapa ang pagpaplano ng matatanda at kabataan para sa pista; siya’y naging epektibo kung kaya masasabi natin na siya ay mahusay dahil nakumbinsi niya ang mga tao. Mapapansin natin sa talumpati ni Kapitan Basilio na pawang kayabangan lang ito dahil paikot-ikot lamang ang kanyang pinagsasabi upang maitanghal lamang niya ang kanyang husay sa pagsasalita at paghumpas sa talumpati. Ang naging epektibo sa komunikasyong ito ay ang batang kabesa sapagkat napagka-isa niya ang dalawang panig at pinagsama niya ang mga iba’t ibang ideya na ikinatuwa ng lahat. Hindi siya mayabang, naging simple lang ang kanyang panukala at dinala niya ang kanyang sarili na may pagpapakumbaba. Ang pinakamalala sa lahat ay ang gobernadorsilyo dahil una, sinayang niya ang oras ng lahat ng dumalo at pangalawa, wala siyang magawa kundi sumunod lamang sa kura. Hindi man lang siya gumawa ng paraan upang makipag-debate, senyas na wala siyang ganitong kakayahan.

Ang Aking Mga Palagay

Natandaan ko ang mga sulatin sa Proverbs 26:4-14 sa kabanatang ito patungkol sa kapangyarihan ng mga mangmang na gawing huwad ang mga pantas. Dito, ang gobernadorsilyo ang mangmang. Dahil siya ay isang hangal at nakaupo pa siya sa katungkulan, lahat ng nasa ilalim niya, kahit mas matalino, ay mahihirapang umunlad para lamang makasabay sa kanyang kabagalan at kakulungan.

Trusting a fool to convey a message is as foolish as cutting off one’s feet or drinking poison!

-Proverbs 26:6

Mga Pagkalahatang Palagay

Makikita natin na ang sanhi ng mga problemang ito ay pagkahuwad ng mga pinaupo sa katungkulan. Dahil dito, nahahawa ang mga tao sa sakit, nagiging bulag sa katotohanan at ang nararapat. Damay-damay na lang dahil kapag sinubukan mo maging iba, agad kang sisirain upang ihubog ka sa kanilang anyo. Naging halimbawa ang guro sa hindi pagsunod sa kagawian, ngunit dahil pati na rin ang kanyang kababayan, pinaramdam sa kanya na siya’y mangmang at walang kapangyarihan.

Leave a comment