Kasiyahang Hindi Dapat: Mga Buod ng Kabanata 28-31

Kabanata 28- Sa Takipsilim

Labis na pinagkaabalahan ni Kapitan Tiago ang kanyang bahay upang higitan ang mga tahanan ng iba. Lalo pa nitong nais na gawing marangya sapagkat siya’y isang Manilenyo at pinagmamalaki pa ang anak niyang si Maria Clara, at ang mamanuganging si Crisostomo Ibarra. Lubhang sumikat ang binata sa puntong sinulatan pa siya ng isang artikulo sa isang iginagalang na peryodiko sa Maynila kung saan pinuspos siya ng mga payo’t papuri dahil sa kanyang pinapatayong paaralan. Dito sumibol ang isang inspirasyon para kay Kapitan Tiago na tularan ang binata at magpatayo ng isang kumbento gamit ang sariling bulsa. Dumating si Kapitan Tiago sa araw ng bisperas at sa kanyang pagdating ay niregaluhan niya ang anak ng isang mamahaling gintong agnos na siyang kinatuwa naman ng dalaga. Magiliw din binati ni Kapitan Tiago si Ibarra, at sa kanilang pag-uusap, minungkahi ni Kapitan Tiago kay Ibarra na pangalanan ang paaralan na “Paaralan ni San Fracisco”. Ilang sandali ay dumating ang mga kaibigan ni Maria Clara at niyaya siyang mamasyal. Nagpaalam ang dalaga at si Ibarra kay Kapitan Tiago kung maaari silang umalis; pinayagan naman sila ngunit hiniling ng ama na maghapunan ang dalawa sa kanyang tahanan sapagkat dadating si Padre Damaso. Magalang naman itong tinanggihan ni Ibarra dahil kailangan niyang asikasuhin ang kanyang mga bisita. Umalis ang mga kabataan at nilibot ang abalang bayan. Tuwang-tuwa ang mga mamamayan kay Maria Clara dahil sa kanyang angking kagandahan, dalisay, at busilak na puso. Ilang sandali lamang ay nagkakailaw na ang mga bahay nang palubog na ang araw. Ang buong lugar ay pinalilibutan ng mga bulaklak, armonya ng piyano, alpa, orkestra, at mga iba’t ibang taong nagsisikuhan at mga karwaheng nagbabanggaan.

Nang mapadaan sila sa bahay ni Kapitan Basilio, niyaya sila ni Sinang na pumasok dahil nababagot na siya sa mga bisita. Umakyat sila, pinainom ng tsokolate, at napilitang makinig sa piyano na siyang kinabagot din ni Sinang. Muli naman inalok si Ibarra na sumama sa hapunan ni Kapitan Basilio sapagkat dadating si Padre Damaso.  Tumugon ang binata ngunit hindi ito maliwanag kung ito’y isang oo o hindi.  Sumama rin ang pinsan ni Victoria at ang kamag-anak ni Sinang sa kanilang lipon at dumaan sa kumbento. Nakita ni Maria Clara sina Padre Damaso, Padre Sibyla, at Padre Salvi dito. Agad namang nagbulalas si Sinang, pinahayag ang kanyang pagkamuhi kay Padre Salvi buhat pa rin mula sa insidente noong nakalipas na pagtitipon. Doon, napadaan din sila sa walang-buhay na bahay ni Donya Consolacion. Muli nagsalita si Sinang ng mga bagay na kinaiinisan niya sa babaeng iyon. Napatigil lamang siya nang makita nila ang isang ketongin na may dalang salakot. Kinuwento ni Iday kay Maria Clara ang mga kalupitan na dinanas ng ketongin at dito naawa si Maria Clara, pumunta sa salakot ng ketongin at binigay ang agnos na katatanggap lamang niya mula sa kanyang ama. Nagulat ang kanyang mga kaibgan ngunit pinaliwanag naman niya na nais lamang niyang tumulong. Kinuha ng ketongin ang agnos at hinalikan ito. Ilang sandali, dumating ang baliw na si Sisa at kinausap ang ketongin, habang hawak-hawak ang braso ng may sakit, tungkol sa kanyang mga anak at paano hindi niya maaari silang makita. Nagkagulo ang mga tao sa takot na mahahawa si Sisa sa sakit ngunit walang nakapigil. Umalis na pakanta ang sawing baliw. Tinanong agad ni Maria Clara si Ibarra tungkol sa pagtulong na ginagawa nila para kay Sisa. Pinaliwanag ni Ibarra kung bakit hindi pa ito masyado naaayos dahil siya ay abala ngunit pinangako niyang tutulong naman ang kura kay Sisa dahil malaki ang pagmamalasakit nito. Nang pagkasabi nito, nakita nilang kinakaladkad si Sisa ng isang autoridad. Agad na tinanong ni Ibarra sa tagapangalaga kung bakit nila ito ginagawa at nasabihan siya tungkol sa gulong nagawa ni Sisa. Takot na umalis ang ketongin. Sa mga pangyayaring ito, napagtanto ni Maria Clara na may mga taong hindi maligaya, mga sawi. Pagdating nila sa kanilang tirahan, hiniling ng dalaga na manatili sa kanyang silid. Mas nalungkot ito nang malaman niyang hindi siya maaaring samahan ni Ibarra dahil may kailangan gawin ang binata. Umakyat si Maria Clara na iniisip na ang pista ay nakakabagot kapag hindi mo gaanong kakilala ang mga panauhin.

Mga Gabay na Tanong

Ano ang damdamin ng mga mayaman, kabataan, kura, militar, at mahirap sa kabanatang ito?

Para sa mga mayaman, ito ang pagkakataon nilang ipamalas ang kanilang karangyaan at dito sila nakakapagyabang. Ang mga kabaka an ay nagkakasiyahan. Para sa mga kura, pinoproblema nila ang mga gastusin at mga tao na kailangan nilang asikasuhin sa buong panahon ng pista, habang pinoproblema ng militar ang kaayusan ng lipunan at sinisigurado na walang manggugulo sa kasiyahan. Sa mga mahirap, sila’y malungkot sapagkat sa panahong ito, mas lalo silang hinihiwalay, binubukod mula sa lipunan, sa mga taong may kaya’t walang karamdaman.

Ngayong takipsilim, paanong nagkakasabay ang dilim at liwanag sa San Diego at kay Maria Clara?

Nung maaga pa, ang mga tao ay nagkasiyahan dahil nagsimula nang magsidatingan ang mga panauhin. Ngunit nang padilim na ng padilim, nang lumilipas ang panahon, nababagot na sila at tila nagiging atupagin ang pista para sa kanila marahil dahil pagod na sila sa pag-aasikaso at mabilisang nagsawa. Dito nagkasabay ang kasiyahan at bagot sa bayan ng San Diego. Gayun din ito para kay Maria Clara. Nung una, kala niya lahat ng mga tao sa panahong iyon ay masaya ngunit nang lumibot pa ito, nadatnan niya ang mga taong hindi bahagi ng ligaya, mga taong hindi tinatanggap ng lipunan. Lingid sa kanyang kaalaman, dahil nga maliit lamang ang kanyang mundo, na may mga taong nagdurusa. Tulad ng takipsilim, dumilim rin ang kanyang pagtingin sa lipunan nang napagtanto niya ang katotohanang ito.

Ang Aking Mga Palagay

Nakikita ko sa aking sarili kay Maria Clara. Napakaliit ng aking mundo noon at dati akala ko ay lahat ng tao ay mabuti, na lahat ay may hangad na maglingkod at maging mabuti sa kapwa. Ngunit unti-unti itong nagbago nang namulat ako sa mga pelikulang pinapanood sa akin ng aking mga ate at mama nung anim na taong gulang ako. Doon ang panahong nakita ko na may mga ginagahasa, pinapatay. Doon ang panahong nakita ko na may labis na nagugutom at naghihirap sa akin kung kaya naisip ko na wala akong karapatan na magreklamo. Doon, nagsimula ang aking pagkamuhi, na “paranoid” ako, sa mga lalaking matanda… mga kahina-hinala. Simula noon, ayaw na ayaw ko manood ng balita sapagkat ito lamang ang makikita ko. Hanggang ngayon, nadala ko ang kaugaliang hindi manood ng balita sa telebisyon. Sa murang edad na anim, napapaginipan ko ang mga mapangahas na tao, at sa huli pinapatay ko sila. Tila nasira rin ang kabataan ko dahil dito…

Gayun lamang kalubhang binabahiran ng lipunan ang isang pusong dalisay…

~.~

 Kabanata 29- Mga Liham

Sa unang liham ng kabanata,  ang koresponal ng isang marangal na peryodiko ay sumulat sa senyor direktor upang iulat ang mga kaganapan sa buong pista. Kanyang kinuwento ang marangya at relihiyosong pagdiriwang ng San Diego. Inulat niya ang mga mahahalagang tao at mga dumalo sa pista; ang mga reberendong padre, mga prinsipales ng iba’t ibang bayan na dumayo rin, mga banda at musikero na pinangunahan ni Miguel Guevarra, at mga Tsino at Indio. Kinuwento niya ang nangyari noong gabi ng ikasampung araw ng buwan, kung saan siya hinandugan ng hapunan ng Hermano Mayor at ni Kapitan Tiago sa kanilang mga tahanan. Nakasabay ng koresponal ang mga padre ng bayan at doon niya natunghayan ang pagtugtog ni Maria Clara ang piyano. Inulat niya rin ang marubdob na inumin na hinandog sa kanila sa gabing iyon. Sumunod, inulat niya ang kahusayan ng mga aktor ng mga komedyang Tagalog na kinatuwa naman ng lahat.  Ngunit hindi naman nakadalo si Ibarra nung mga panahong ito dahil sa siya ay abala sa gaganaping panulukang-bato at sa sakit. Sinulat ng koreponal ang mga gaganapin pang pagdiriwang sa araw na iyon at kinabukasan, pati ang mangyayaring sermon ni Padre Damaso. Inulat rin niya ang dinaos na prusisyon para sa Santo Domingo, San Diego, at Birhen de la Paz, ang misang ginamoanan ng orkestra at mga artista ng Teatro, at ang kamangha-manghang sermon ni Padre Manuel Martin. Kinuwento niya ang pagtanggap sa kanila ni Padre Salvi sa hinandang tente-en-pie ng Hermano Mayor at kung paano, hanggang hapon, hindi natigil ang kasiyahan. Nandoon din sa salo-salo si Maria Clara na hindi makasayaw dahil sa kanyang paa. Dumating din ang Alkalde ng probinsya. Sa huli ng liham, sinabi ng koresponal na bumubuti na ang pakiramdam ni Ibarra.

Ang ikalawang liham naman ay sinulat ni Kapitan Martin para sa kaibigan niyang si Luis Chiquito. Pinapapunta ni Kapitan Martin si Luis Chiquito para tunghayan ang mga nangyayaring tayaan, pustahan, at sabong ng mga kapitan at kasama rin dito sina Padre Damaso at si Carlos Intsik. Ang huling liham ay sinulat naman ni Maria Clara para kay Ibarra kung saan kinamusta niya ang binata at kinuwento ang mga nangyari sa kanya noong mga nakalipas na pagdiriwang. Doon sa liham, iniutos niya kay Andeng na gumawa ng tsaa para kay Ibarra, at sa kanyang pahabol, sinabi ng dalaga na kung hindi pupunta si Ibarra sa kanya kinabukasan ay hindi siya dadalo sa seremonya.

Mga Gabay na Tanong

Ano ang mahahalatang halagahan ng bawat isa sa tatlong lumiham?

Sa unang liham, madetalye ang pagkalarawan ng koresponal sa pista na kanyang binahagi sa senyor direktor upang ilathala sa peryodiko na mababasa ng lahat. Sa ikalawang liham, kinuwento ni Kapitan Martin ang pustahan sa pagitan ng mga mayayamang tao sa pista. Sa liham ni Maria Clara, kinamusta niya ang kanyang kasintahan at kinuwento ang mga nangyari sa kanya noong pista. Ang mga liham ay isang paraan ng pag-uulat, pagkukuwento, at pangangamusta sa mga taong malayo sa manunulat o wala doon sa kaganapan.

Ano ang iniaambag ng bawat liham upang mabuo ang larawan ng pista?

Iniambag ng unang liham ang lahat ng nangyaring kasiyahan, tanghalan, pagsasalo-salo, at sermon sa pista.  Sa ikalawang liham, nakasaad dito ang mga pinakamakapangyarihang tao na nagsusugal sa panahong iyon. Iniambag naman ni Maria Clara sa kanyang liham kung gaano nakakabagot ang naganap na pista. Makikita natin sa kabanata na ito ang mga iba’t ibang pananaw ng mga tao sa pista.

Ang Aking Mga Palagay

Katulad rin ni Maria Clara, nabagot ako sa pistang ito. Hindi kasi ito ang tipo kong saya at tulad ni Maria, kapag wala kang kasama na malapit sa iyo, nakakabagot ang mga ito. Ngunit may natutunan akong bago mula kay Rizal sa pagsusulat ng isang libro sa kabanatang ito. Puwede mong palawakin ang media ng paglalarawan ng isang kaganapan sa isang malikhaing paraan sa pamamagitan ng pag gamit  ng mga iba’t ibang pananaw ng mga karakter upang ipinta ang isang pangyayari.

~.~

Kabanata 30- Kinaumagahan

Sumapit na ang huling araw ng pista, ang totoong kapistahan. Nagising ang mga tao sa malakas na tugtugan ng banda. Nanumbalik ang kanilang lakas upang magdiwang at bawat isa ay naghanda, sinuot ang pinakamainam na damit at mga alahas. Ngunit si Piliosopo Tasio lamang ang naiiba, dahil para sa kanya walang kabuluhan ang mga ito, pagsasayang ng pera at pakitang tao ang pista. Pahayag ng pilosopo na naglulustay lamang ng mga salapi ang mga tao habang maraming nangangailangan. Sumang-ayon naman dito si Don Filipio ngunit wala siyang tapang at lakas na tumanggi sa kura. Sa patyo ng simabahan, maraming mga naghihintay na tao, lahat magagara ang mga suot. Nagsulat muli ang koresponal sa senyor direktor tungkol sa mahusay na sermon ni Padre Damaso bagaman ito ay nagkasipon. May iba na namangha sa padre nang ipagpatuloy niya ang sermon kahit may sakit ito at may iba na nagsabing pinaparusahan siya ng Birhen de la Paz.

Ikawalo’t kalahati na nang nagsimula ang prusisyon ng mga iba’t ibang santo. Kita sa mga kasuotan ng mga santo, at ang pagkasunod-sunod nito ang diskriminasyon sa lipunan kahit ang mga nagpruprusisyon ay mga ginggon. Huminto ang prusisyon sa tapat ng bahay ni Kapitan Tiago kung saan nakadungaw sina Maria Clara, Ibarra, ang Alkalde, Kapitan Tiago, kasama ang mga ibang Espanyol, at mga binibini. Sa kanilang ilalim, nandoon si Padre Salvi at sa gilid ng padre ay isang magandang babae na may hawak na bata. Tinawag ng bata ang padre na papa kung kaya maraming tumawa at nag-isip ng malisyoso. Agad umalis ang babae hatak ang bata. Namula ang padre ngunit hindi naman niya talaga kilala ang babae.

Gabay na Tanong

Tinuligsa ni Pilosopo Tasio ang luho ng pistang nagaganap. Alin-alin sa mga detalye sa kabanata ang maituturing na luho o walang-kuwentang gastos?

Lahat ay walang-kuwentang gastos. Mula sa mga palamuti, banda, tanghalan hanggang sa kanilang mga kasuotan at alahas. Walang karapatan ang isang bayan na gumastos ng ganito kung may mga tao pang labis na naghihirap. Ayos lang magdaos ng simpleng salo-salo ngunit sa pistang ito, sobra-sobra ang lahat, pakitang tao lamang ito.

Ang Aking Mga Palagay

Labis akong sumasang-ayon kay Pilosopo Tasio dahil habang binabasa ko ito, nasa isip ko pa rin sina Sisa at Basilio. Saan sila sa mga kasiyahang ito?

Pinapakita rin ni Rizal sa kabanatang ito na bulag ang Pilipinas. Nagpapasasa tayo sa karangyan, holidays, kasiyahan habang wala pa tayong napapatunayan. Ayos lang sana ang mga ito, isang mabuting gawain pa nga, KUNG maunlad na ang bansa. Kahit nga ang mga bansang mayaman na, bihira magkaroon ng walang pasok at pista, sa atin…

~.~

Kabanata 31- Sa Loob ng Simbahan

Marami ang dumalo sa simbahan. Sa dami ng tao, sila ay nagsiksikan at nagkakatapakan upang madampian ng banal na tubig. Nagbayad ng dalawang daan at limanmpung piso ang mga tao para sa isang sermon na siyang kinainis muli  ni Pilosopo Tasio dahil katumbas lamang ito sa tatlong gabi ng pagtratrabaho ng mga komedyante. Kinakataka naman ito ng isang maestro at pinaliwanag niya na mas mainam na magbayad ng mataas na halaga ng pera sa isang sermon dahil idadala nito ang kaluluwa mo sa langit, kaysa sa komedya na idadala ka sa impiyerno. Sumang-ayon naman ang pilosopo dahil siya rin mismo ay mas naaliw sa sermon kumpara sa komedya.

Hindi nagsimula ang misa hanggat hindi dumating ang alkalde mayor. Habang naghihintay maraming mga batang umiiyak, mga taong naiinitan sa loob ng simbahan. Nasa sulok si Ibarra, nakaluhod naman si Maria Clara malapit sa altar mayor, at nakaupo sa bangkong ukol sa mga makapangayarihan si Kapitan T iago habang naghihintay. Matagal naghintay ang mga tao. Sadya namang nagpahuli ang alkalde upang mas maging kapansin-pansin ang kanyang pagdating. Dumating rin sa wakas ang alkalde, suot-suot ang gran gala at ang kanyang limang dekorasyon. Kinumpara siya sa isang komedyante at kay Prinsipe Villardo. Dahil dito, umangat ang ranggo ng alkalde. Sa wakas, nagsimula ang misa, nagsigising ang mga nakatulog at kumanta ang lahat. Dumating si Padre Damaso. Umakyat siya sa entablado, at ilang beses niyang tiningnan sa mata ang mga tao na waring nagyayabang. Tinitigan ng padre si Padre Martin, ang padreng nagmisa kahapon, na waring sinasabing mas magaling ang idadaos niyang misa.

Mga Gabay na Tanong

Paanong paulit-paulit na inihahambing ni Rizal ang misa mayor sa komedya at bakit niya ito ginawa?

Nilalarawan at hinahalimbawa lagi ni Rizal ang misa mayor sa komedya sa pamamagitan ng mga katawa-tawa niyang suot. Parang sinasabi ni Rizal na nagpapakitang-tao lamang ito, umaarte para mamangha ang mga tao sa kanya. Tulad ng isang komedyante, gagawin ang lahat upang makatawag ng pansin, pakitaan ang mga tao.

Ano ang kaibahan ng pananaw ng kabataan, ni Pilosopo Tasio, at ng mga matatanda ukol sa misa?

Hindi gaano naniniwala ang kabataan sa pagpahid ng agua bendita sa kanilang mga katawan sapagkat hindi sila masyadong nagkakasakit at dahil na rin madumi ang tubig. Hindi rin sila tulad ng mga matatanda na sumusunod sa mga ganitong tradisyon. Makikita na mas masipag maghintay ang mga matatanda kaysa sa mga bata marahil dahil ito rin ang kanilang paraan para mapunta sa langit. Na sa pagbayad at pakikinig ng misa, mababawasan ang kanilang mga kasalanan. Dahil mga bata pa at hindi gaano nababahiran ang kaluluwa ng kasamaan, naiiyak na lamang sila sa init at inip.

Para kay Pilosopo Tasio, sayang rin sa pera ang misa, ngunit kung ihahambing naman ito sa komedya, mas sulit ang makinig sa misa.

Ang Aking Mga Palagay

Nakakairita lamang ang mga pag-uugali ng padre at ng alkalde. Masyado silang nagpapa-importante!  Labis lang ako nagpapasalamat na ipinanganak ako sa panahong ito dahil hindi ko mararanasan ito… Ayaw na ayaw ko na may ginagawa akong ganitong nakakabagot. Ayaw ko na manampalataya na sapilitan, purkit ganito ang iba, ganito ang mga matatanda ay ganito rin dapat ako. Salamat sa Panginoon na meron akong relasyon sa Kanya at kailanman hindi ito naging isang atupagin.

Pangkalahatang Palagay

Sa mga nakalipas na kabanata, natunghayan ko ang kahirapan sa lipunan kung saan labis napalapit ako sa mga karakter nila Sisa, Crispin, Basilio, Elias, at Salome. Ngunit sa mga kabanatang ito, nakita ko ang marami sa mga sanhi ng kanser na sinasabi ni Rizal – ang mga marangyang mamamayan. Kitang-kita sa mga kabanatang ito ang kawalan ng pagkapantay pantry sa lipunan, ng mga tao sa kapwa tao. May sobrang nagsasaya at may sobrang nagdurusa… Grabe lang dahil angkop pa rin ang librong ito sa kasalukuyan.

Leave a comment